--Ads--

Nanawagan si Dr. Renato de Castro, defense analyst at distinguished professor ng Department of International Studies ng De La Salle University (DLSU), sa Department of Foreign Affairs (DFA) na isapubliko ang nilalaman ng umano’y provisional memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Pilipinas at China na nabuo noong Hulyo 2024.

Ang pahayag ay kasunod ng insidente sa Ayungin Shoal kung saan dalawang sundalong Pilipino ang nasugatan matapos umanong hampasin ng baton ng mga miyembro ng China Coast Guard (CCG).

Ayon kay de Castro, kung may katotohanan ang pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan tungkol sa naturang MOU, dapat itong ilahad ng DFA upang mabatid ng publiko ang buong detalye ng kasunduan.

Nauna nang iginiit ni Jing Quan na lumapit ang CCG sa lugar matapos umanong makakita ng mga konstruksyon sa BRP Sierra Madre, na aniya’y paglabag sa napagkasunduan ng Pilipinas at China.

--Ads--

Binigyang-diin ni de Castro na nakaaalarma ang naturang pahayag dahil tila ipinahihiwatig nito na kinakailangang ipaalam o hingan pa ng pahintulot ang China sa mga resupply mission ng Pilipinas, gayundin ang pagbabawal sa pagtatayo ng permanenteng istruktura o pagkukumpuni sa BRP Sierra Madre.

Aniya, mahalagang maging malinaw sa publiko ang mga umiiral na kasunduan dahil may direktang epekto ang mga ito sa usapin ng soberanya at sa patuloy na tensyon sa West Philippine Sea.