--Ads--

Apektado ng matinding init ng panahon ang mga nagtitinda ng gulay sa Cauayan City dahil sa mabilis na pagkalanta ng kanilang mga paninda na nagdudulot ng pagkalugi sa kanilang hanapbuhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Annie Santos, isang tindera ng gulay sa lungsod, sinabi nitong malaking hamon sa kanilang kabuhayan ang mataas na temperatura dahil madaling masira lalo na ang mga madadahong gulay.

Ayon kay Santos, kapag hindi agad nabibili ang kanilang mga paninda ay mabilis itong nalalanta kaya napipilitan silang ibenta sa mas mababang presyo o tuluyang itapon.

Dagdag pa nito, bukod sa mabilis na pagkasira ng mga gulay ay nakaapekto rin ang matinding init sa suplay at kalidad ng mga produktong kanilang ibinebenta.

--Ads--

Dahil dito, umaasa ang mga tindera na bumuti ang panahon upang mabawasan ang kanilang pagkalugi at mapanatiling sariwa ang kanilang mga paninda.