--Ads--

Kinuwestiyon ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte ang nilalaman ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil umano sa kakulangan nito sa pagtalakay sa mga isyu ng korapsyon at sa patuloy na nararanasang paghihirap ng maraming Pilipino.

Ayon sa mambabatas, nananatiling mabigat ang kalagayan ng mamamayan bunsod ng mataas na presyo ng mga bilihin, pagtaas ng singil sa kuryente, at kakulangan ng sapat na kita para matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ito ay matapos ihayag ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA na malapit nang masampahan ng kaso ang dating House Speaker na si Martin Romualdez kaugnay ng umano’y mga anomalya sa flood control projects.

Gayunpaman, sinabi ni Duterte na hindi sapat ang ganitong mga pahayag at dapat umanong mabigyang-linaw ang mga katanungan kaugnay ng paggamit ng pondo para sa flood control projects, PhilHealth, at Maharlika Fund.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na mas nararapat pagtuunan ng pansin ang mga suliraning direktang nakaaapekto sa mga Pilipino, kabilang ang mataas na gastusin sa pamumuhay at lumalalang kahirapan.

Para sa kongresista, ang tunay na kalagayan ng bansa ay mas makikita sa buhay ng karaniwang mamamayan, sa kalidad ng serbisyong kanilang natatanggap mula sa pamahalaan, at sa antas ng kanilang tiwala sa gobyerno.