Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino, partikular ang mga nasa impormal na sektor at self-employed, na maghulog nang regular sa Social Security System (SSS) at Pag-IBIG Fund upang magkaroon ng sapat na seguridad sa hinaharap.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na umabot na sa 44 milyon ang mga miyembro ng SSS, kabilang ang mga driver, vendor, gig workers, at mga job order at contract of service workers. Aniya, nais ng pamahalaan na mas marami pang manggagawa sa impormal na sektor ang mapasama sa sistema ng social protection.
Binigyang-diin din ni Marcos ang kahalagahan ng SSS, Pag-IBIG Fund, at GSIS sa pagbibigay ng pinansyal na ayuda sa panahon ng emerhensiya, kalamidad, at iba pang pagsubok.
Samantala, sinabi ng Pangulo na nagpapatuloy ang mga programa sa pabahay upang mabawasan ang kakulangan ng mga bahay sa bansa. Ayon sa kanya, mahigit 500,000 housing units na ang naipatayo o napondohan ng pamahalaan.
Inihayag din niya na itinaas ng Pag-IBIG Fund sa ₱10 milyon ang maximum housing loan upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng pagkakataong makapagmay-ari ng sariling tahanan.
Ipinunto rin ng Pangulo na halos pitong milyong overseas Filipino workers (OFWs) na ang may insurance coverage, habang nadagdagan din ang minimum wage ng mga OFW na nagtatrabaho bilang domestic workers.
Bukod dito, inanunsyo ni Marcos ang pagtaas ng pension at subsistence allowance ng mga retiradong uniformed personnel bilang bahagi ng patuloy na suporta ng pamahalaan sa kanilang sektor.











