Ipagpapatuloy na ng prosekusyon ang pagpresenta ng mga ebidensya sa ilalim ng Article 1 ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte matapos tutulan ng depensa ang panukalang baguhin ang pagkakasunod-sunod ng presentasyon ng mga kaso.
Ang Article 1 ay may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng ₱612 milyong confidential funds habang kalihim pa ng Department of Education si Duterte.
Sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na nais ng depensa na sundin ang itinakdang proseso sa pre-trial order bilang bahagi ng fairness at upang mabigyan sila ng sapat na panahon para makapaghanda.
Ayon kay Gatchalian, nais ng depensa na marinig muna at maiprisinta nang buo ng prosekusyon ang kanilang mga argumento bago ito sagutin ng kampo ni Duterte.
Nakatakdang iharap ng prosekusyon ang dalawang dating branch manager ng Land Bank of the Philippines na inaasahang magbibigay-linaw sa umano’y pag-disburse ng ₱612 milyong confidential funds.
Magpapatuloy ang paglilitis mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon bago ang regular session ng Senado.
Umaasa naman si Sen. Gatchalian na matatapos ngayong araw ang testimonya ng dalawang saksi upang mas mapabilis ang takbo ng impeachment trial.











