Nagsagawa ng training ang City Health Office ng City of Ilagan para sa mahigit 200 midwives, nurses, at barangay health workers mula sa 35 barangay upang mapalakas ang kakayahan ng mga frontliner sa maagang pagtukoy ng mga sakit sa mata na nangangailangan ng agarang referral sa ophthalmologist.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Maika Malgapu-Uy, sinabi niya na ang naturang aktibidad ay naglalayong magbigay ng vision screening tools at learning modules sa mga barangay health workers upang maging mas epektibo ang maagang pagtukoy sa mga may problema sa paningin.
Aniya, malaking pakinabang ito dahil bukod sa regular na house-to-house monitoring ng mga kaso ng high blood at diabetes, maaari na ring maisagawa ng mga health worker ang basic vision screening gamit ang visual acuity charts upang agad matukoy ang mga residente na nangangailangan ng pagsusuri ng espesyalista.
Nilinaw naman ni Dr. Malgapu-Uy na hindi layunin ng training na turuan ang mga health worker na mag-diagnose o magreseta ng gamot, kundi bigyan sila ng kaalaman kung kailan kinakailangang i-refer ang pasyente sa ophthalmologist.
Kabilang din sa itinuro ang tamang first aid at mga dapat at hindi dapat gawin sa mga karaniwang emergency sa mata, gaya ng pagkakaroon ng kemikal sa mata at iba pang sitwasyong nangangailangan ng agarang aksyon bago makarating sa ospital.
Ipinaliwanag din ng ophthalmologist na kabilang sa mga dapat agarang maipatingin ang mga diabetic patient na biglang nakararanas ng paglabo ng paningin dahil maaari itong senyales ng pinsala sa retina na nangangailangan ng agarang pagsusuri at mas maayos na blood sugar control.
Bagama’t hindi naman itinuturing na emergency ang cataract, maaari rin itong magdulot ng unti-unting paglabo ng paningin na nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Samantala, sinabi ni Dr. Malgapu-Uy na ipagdiriwang ng Philippine Academy of Ophthalmology ang Sight Saving Month sa buwan Agosto. Kabilang sa mga nakatakdang aktibidad ang mga medical mission, libreng eye screening at konsultasyon, na nakatuon ngayong taon sa mga bata upang maagang matukoy ang mga problema sa paningin.











