Patuloy na ipinagkakaloob ng Land Transportation Office (LTO) ang libreng Theoretical Driving Course (TDC) sa iba’t ibang komunidad bilang bahagi ng kanilang programa sa pagsusulong ng road safety.
Inihayag ni LTO Chief Florentino Dela Cruz na kabilang sa pangunahing serbisyong inilapit ng Land Transportation Office (LTO) sa isinagawang Legislative Caravan ang libreng Theoretical Driving Course (TDC) at distribusyon ng mga standard motorcycle plates para sa mga motorsiklong nairehistro noong 2017 pababa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni De la Cruz na bahagi ng social responsibility ng LTO, katuwang ang kanilang accredited driving schools, ang pagbibigay ng libreng dalawang araw na Theoretical Driving Course na kinakailangang makumpleto bago makakuha ng student driver’s permit.
Ayon sa opisyal, bukas ang programa sa lahat ng mamamayan at hindi lamang para sa mga estudyante ng Isabela State University (ISU). Maaari aniyang magtungo ang sinumang nais mag-avail ng libreng TDC sa pinakamalapit na tanggapan ng LTO upang makapagparehistro.
Bukod dito, namahagi rin ang LTO ng mga bagong standard motorcycle plates alinsunod sa Republic Act No. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act. Gayunman, aminado si De la Cruz na marami pa ring may-ari ng motorsiklo ang hindi pa kumukuha ng kanilang mga plaka kaya nananawagan siya sa publiko na samantalahin ang serbisyo ng ahensya, lalo na’t sila na mismo ang lumalapit sa mga komunidad upang maihatid ang mga ito.
Samantala, nilinaw rin ni De la Cruz ang bagong polisiya ng Department of Transportation kung saan hindi na agad kinukumpiska ng LTO ang driver’s license ng mga nahuhuling lumalabag sa batas-trapiko. Sa halip, binibigyan muna ng 15 araw ang motorista upang maayos ang kanilang paglabag. Kapag hindi ito naaksyunan sa itinakdang panahon, maaari nang ipataw ang kaukulang parusa, kabilang ang suspensyon ng kanilang lisensya.
Sa monitoring naman ng ahensya, sinabi ni De la Cruz na nananatiling karaniwang paglabag ang hindi pagsusuot ng helmet ng mga motorcycle rider. Aniya, marami pa ring motorista ang umiiwas sa mga traffic enforcer sa halip na sumunod sa umiiral na batas.
Dahil dito, muling nanawagan ang opisyal sa publiko na makiisa sa kampanya ng LTO para sa mas ligtas at mas maayos na mga lansangan sapamamagitan ng pagsunod sa batas-trapiko at paggamit ng tamang safety gear sa bawat pagmamaneho.










