Iniulat ng Department of Education (DepEd) na matagumpay nitong nabawasan ng 57 % ang paperworks ng mga guro sa buong bansa bilang bahagi ng reporma upang mas mapagtuunan nila ng pansin ang pagtuturo at paghubog sa mga mag-aaral.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kabilang sa mga nabawasang gawain ng mga guro ang pagproseso ng mga dokumento, office work at iba pang administratibong tungkulin na hindi direktang kaugnay ng pagtuturo.
Dahil dito, sinabi ni Angara na mas nakapaglalaan na ng oras ang mga guro sa kanilang pangunahing tungkulin na magturo at gabayan ang mga estudyante.
Kasabay nito, patuloy rin aniyang kumukuha ang DepEd ng mga non-teaching personnel upang sila na ang humawak sa mga administratibong gawain sa mga paaralan.
Kabilang sa mga planong kunin ng kagawaran ang hanggang 5,000 Administrative Officers at Project Development Officers na mag-aasikaso ng mga gawaing matagal nang idinadaing ng mga guro.
Binigyang-diin ni Angara na layunin ng DepEd na maprotektahan ang teaching time ng mga guro at matiyak na mas nakatuon sila sa loob ng silid-aralan kaysa sa mga dokumentong kailangang asikasuhin.
Aniya, bahagi ito ng patuloy na reporma ng kagawaran upang mapabuti ang sistema ng edukasyon at mapangalagaan ang kapakanan ng mga guro sa buong bansa.











