Iniutos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 17 sa Batac City, Ilocos Norte ang 90-araw na preventive suspension ni Cagayan Vice Governor Manuel Mamba matapos ibasura ang kanyang mosyon na ipabasura ang kasong graft na kinahaharap nito.
Sa limang pahinang kautusan na may petsang Hulyo 28, 2026, pinagbigyan ni Presiding Judge Felix G. Salvador ang mosyon ng prosekusyon na pansamantalang suspendihin si Mamba habang dinidinig ang kaso nito kaugnay sa umano’y paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon sa korte, kinakailangang ipatupad ang preventive suspension sa loob ng 90 araw habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kaso.
Kasabay nito, ibinasura rin ng RTC ang mosyon ni Mamba na ipawalang-bisa ang impormasyon o sakdal laban sa kanya, gayundin ang kanyang pagtutol sa kahilingan ng prosekusyon na siya ay suspendihin.
Batay sa mga rekord ng korte, noong Marso 26, 2026 ay nakakita ang hukuman ng sapat na probable cause upang litisin si Mamba matapos suriin ang mga dokumento at ebidensyang iniharap ng prosekusyon. Dahil dito ay naglabas ng warrant of arrest laban sa kanya ang korte.
Ipinakita rin sa mga rekord na naglagak si Mamba ng cash bond noong Marso 30, 2026 sa 7th Municipal Circuit Trial Court sa Piat-Sto. Niño, Cagayan.
Iginiit ng prosekusyon na mandatoryo ang preventive suspension sa ilalim ng Section 13 ng RA 3019 sa sandaling may naisampang balidong kaso, natukoy ng korte ang probable cause, at nailabas na ang warrant of arrest.
Ayon pa sa mga piskal, mahalaga ang suspensyon upang maiwasan ang posibleng panggigipit sa mga testigo at mapangalagaan ang mga dokumento at ebidensyang may kaugnayan sa kaso.
Sa kabila ng pagtutol ni Mamba at pagkuwestiyon nito sa bisa ng isinampang kaso, nagpasya ang korte na walang sapat na batayan upang ibasura ang reklamo at itinuloy ang kanyang preventive suspension habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kaso.










