--Ads--

Nagpalabas ng Executive Order ang pamahalaang lokal ng Alicia, Isabela na pansamantalang nagbabawal sa operasyon ng mga rolling vendors ng karne ng baboy kasunod ng muling pagkakatala ng mga hinihinalang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Joel Amos Alejandro nga Alicia, sinabi nitong tatlong hog raisers sa Brgy. Bantug Petines, Alicia, Isabela ang apektado ng hinihinalang ASF.

Ayon sa alkalde, nakatakda nang isailalim sa culling ang mahigit 60 baboy mula sa tatlong hog raisers bilang bahagi ng mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Binigyang-diin ni Mayor Alejandro na ang ipinatutupad na Executive Order ay para lamang sa mga rolling vendors ng karne ng baboy at hindi saklaw ang mga nagtitinda ng gulay, prutas at isda.

--Ads--

Kasabay nito, inatasan din ng alkalde ang mga punong barangay na paigtingin ang pagpapatupad ng biosecurity measures, kabilang ang pagbabawal sa backyard slaughtering o pagkakatay at pagpaparte ng baboy sa mga pribadong tahanan.

Aniya, ang sinumang nagbabalak magkatay ng baboy ay kinakailangang makipag-ugnayan muna sa Municipal Agriculture Office upang maidaan sa slaughterhouse ang hayop at maobserbahan kung may senyales ng ASF bago ito ipahintulot na iparte.

Bagama’t hindi pa kumpirmado sa laboratoryo ang pinakahuling mga kaso, sinabi ni Mayor Alejandro na hindi na maaaring hintayin pa ang resulta bago kumilos dahil mabilis kumalat ang ASF.

Ipinaliwanag nito na maaaring mailipat ang virus sa pamamagitan ng kontaminadong kagamitan, kasuotan, sapatos at iba pang bagay na nagkaroon ng kontak sa infected na baboy, kaya’t mahigpit ding ipinatutupad ang pagsusuot ng personal protective equipment o PPE ng mga tauhang humahawak sa mga apektadong lugar upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Binigyang-diin pa ng alkalde na kapag hindi agad nakontrol ang isang kaso ng ASF, maaari itong mabilis na kumalat at makaapekto sa iba pang alagang baboy sa lugar.

Dahil dito, muling nanawagan si Mayor Alejandro sa mga residente ng Alicia, lalo na sa mga hog raisers na nagpaplanong magkatay o magparte ng baboy, na makipag-ugnayan muna sa Municipal Agriculture Office upang mabantayan at maobserbahan ang naturang aktibidad bilang bahagi ng pagpigil sa pagkalat ng African Swine Fever.