--Ads--

Isinusulong ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan City ang pag-amyenda sa isang ordinansa na magbabawal sa paglalagay ng mga talipapa sa loob ng tatlong kilometrong radius mula sa pamilihan bilang bahagi ng hakbang upang maisaayos ang kalakalan sa lungsod.

‎Ayon kay City Councilor Bagnos Maximo, kasabay ng panukala ang paghahanap ng angkop na relokasyon para sa mga maaapektuhang vendor.

‎Isa sa mga pangunahing opsyon na isinasaalang-alang ay ang paglalaan ng mga puwesto sa loob ng pampublikong palengke upang matiyak ang pagpapatuloy ng kanilang kabuhayan.

‎Aniya, layunin ng panukala na maikonsentra sa pampublikong pamilihan ang bentahan ng wet at dry goods at maiwasan ang pagdami ng mga talipapa at pagtitinda sa harap ng mga kabahayan.

--Ads--

‎Gayunman, sinabi ng konsehal  na sasailalim pa sa masusing pagsusuri ang kapasidad ng pampublikong palengke upang matukoy kung sapat ang espasyo para sa mga vendor na maaaring mailipat.

‎Posible rin aniyang magkaroon ng mga pagbabago sa kasalukuyang alokasyon ng mga puwesto bilang bahagi ng ipinanukalang mga amyenda.

‎‎Patuloy na pinag-aaralan ng Sangguniang Panlungsod ang panukala bago ito sumailalim sa pinal na pagtalakay at pag-apruba.