Nasawi ang isang Mexican social media influencer na may mahigit 650,000 followers sa TikTok matapos siyang barilin habang nagsasagawa ng livestream sa Culiacán, kabisera ng Sinaloa state, Mexico.
Kinilala ang biktima na si Cesar Gastelum, na binaril malapit sa tanggapan ng local prosecutor. Sa kuhang video ng insidente, makikitang nakikipag-usap at tumatawa si Gastelum kasama ang dalawang lalaking kaibigan nang lapitan sila ng dalawang suspek sakay ng motorsiklo at paputukan siya bago tumakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa pagpatay. Ayon sa mga opisyal, may ilang video umano si Gastelum kung saan binanggit niya ang faction ng isang criminal group.
Ito na ang ikalawang kaso ng influencer na napatay habang naka-livestream matapos barilin ang beauty influencer na si Valeria Márquez noong Mayo 2025 habang nagla-live sa TikTok.











