--Ads--

Patuloy ang matagumpay na kampanya ni Filipino pole vaulter EJ Obiena matapos masungkit ang kanyang ikapitong gintong medalya ngayong 2026 sa ginanap na Stabhochsprung Meeting sa Jockgrim, Germany.

Nalundag ni Obiena ang taas na 5.83 meters upang maiuwi ang ginto at muling talunin si Seifeldin Abdelsalam ng Qatar na nagtala rin ng 5.83 meters ngunit sa ikatlong pagtatangka pa lamang. Nakuha naman ni Ersu Sasma ng Turkey ang tansong medalya matapos malampasan ang 5.77 meters.

Tinangka rin ni Obiena na malampasan ang kanyang season-best na 5.85 metro sa pamamagitan ng pagtalon sa 5.93 meters, ngunit hindi niya ito nalampasan sa tatlong pagtatangka.

Sa kanyang social media post, inamin ni Obiena na hindi naging madali ang kompetisyon dahil sa ilang naging problema sa warm-up at sa mga naunang taas, ngunit masaya pa rin siyang naiuwi ang panalo sa harap ng maraming manonood sa Germany.

--Ads--

Ito na ang ikaapat na gintong medalya ni Obiena sa Germany ngayong taon at ikapitong ginto sa kabuuan ng kanyang kampanya sa 2026. Aniya, magpapatuloy siya sa pagsasanay bilang paghahanda sa mga susunod pang torneo.