Patuloy na isinusulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Isabela ang pagbibigay ng tulong at rehabilitasyon sa mga fishery operators na naapektuhan ng malawakang fish kill sa lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gerico Gibe, Provincial Fisheries Officer ng BFAR Isabela, sinabi niya na bukod sa marketing assistance na naipagkaloob na ng ahensya sa mga apektadong mangingisda at fish cage operators, naiulat na rin nila sa kanilang central office sa Maynila ang pangangailangan para sa rehabilitation assistance.
Ayon kay Gibe, umabot sa 795 indibidwal ang kabuuang bilang ng mga naapektuhang fishery operators. Kabilang dito ang mga may-ari ng humigit-kumulang 50 fishpond units at halos 300 fish cage units na naapektuhan ng insidente.
Sinabi niya na wala nang naitatalang panibagong kaso ng fish kill simula noong huling bahagi ng Hulyo hanggang sa unang linggo ng Agosto.
Dagdag pa niya, tumaas na sa 168.32 meters above sea level ang water elevation ng Magat Dam, na mas mataas ng halos walong metro kumpara sa mga naunang naitala.
Sa kasalukuyan, patuloy namang minomonitor ng BFAR ang kalidad ng tubig sa mga apektadong lugar upang matiyak na hindi na mauulit ang insidente ng fish kill.
Samantala, nakapagbigay na rin ng relief goods ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong mangingisda sa bayan ng Ramon.
Ayon sa BFAR, umabot sa 303 fish workers mula sa mga fish cage at fishpond operations ang nakatanggap ng ayuda habang patuloy ang mga hakbang upang matulungan silang makabangon mula sa kanilang mga pagkalugi.









