Pinalalawak ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Isabela ang pagsasanay sa larangan ng Artificial Intelligence (AI) at data analytics upang maihanda ang mas maraming manggagawa at estudyante sa lumalawak na paggamit ng teknolohiya sa iba’t ibang sektor.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Vilma Cabrera, Provincial Director ng TESDA Isabela, sinabi niyang sa buong Region 2, tanging TESDA Isabela lamang ang may programang Artificial Intelligence Prompting for Automation Level 3 na kasalukuyang iniaalok sa isang pribadong paaralan sa Cauayan City.
Ayon kay Cabrera, bago makapasok sa naturang programa ay kinakailangang dumaan muna ang mga kalahok sa basic, common, at core competencies. Sa pagtatapos ng kurso, magiging bihasa ang mga estudyante sa paggamit ng AI, kabilang ang paglikha ng content at paggamit ng generative AI sa trabaho at pag-aaral.
Aniya, ang programa ay tumatagal ng humigit-kumulang 29 na araw o halos isang buwan at pinangangasiwaan ng mga instructor at propesor na may sapat na kaalaman sa AI.
Bukod dito, mayroon ding Data Collection and Annotation o Data Science Artificial Intelligence Level 2 kung saan tinuturuan ang mga kalahok ng wastong pangangalap at paggamit ng datos. Kapag natapos ang programa, maaari silang maging competent data collector, field data collector, AI data annotator, at data labeling specialist.
Mayroon din aniyang Data Analytics Level 3 na kabilang sa mga prayoridad na kasanayang itinataguyod ng TESDA, lalo na’t unti-unti nang naisasama ang AI sa mga sektor tulad ng edukasyon, agrikultura, at iba pang industriya.
Sinabi ni Cabrera na bukas ang mga programa sa lahat ng sektor ng lipunan, bagama’t kabilang sa mga unang nakinabang dito ang mga overseas Filipino worker (OFW) at mga propesor na nagtuturo ng Information Technology sa ilang unibersidad at kolehiyo.
Nilinaw naman niya na hindi dapat ikabahala ng mga manggagawa ang pag-usbong ng AI dahil layunin ng programa na palawakin ang kanilang kakayahan at hindi palitan ang tao. Aniya, bahagi ito ng upskilling program ng TESDA at ng pamahalaan upang maging mas handa ang mga Pilipino sa makabagong teknolohiya.
Bago makatanggap ng sertipiko, kinakailangang pumasa ang mga kalahok sa institutional assessment. Tanging ang mga makakapasa lamang ang bibigyan ng sertipikasyon bilang patunay ng kanilang kakayahan.
Dagdag pa ni Cabrera, libre ang mga naturang programa dahil may nakalaang scholarship allocation ang TESDA. Maaaring mag-enroll ang mga interesado sa AI Prompting for Automation Level 3 sa isang pribadong paaralan sa Cauayan City, habang ang Data Analytics Level 3 naman ay iniaalok sa Roxas, Isabela.











