--Ads--

Patay ang isang piloto at isang crew member matapos bumagsak ang kanilang firefighting helicopter habang tumutugon sa isang malawakang wildfire sa gitnang bahagi ng Utah, Estados Unidos.

Kinumpirma ng National Interagency Fire Center (NIFC) na nasawi ang dalawang sakay ng Sikorsky S-64 “Skycrane” helicopter na pinapatakbo ng Helicopter Transport Services sa ilalim ng kontrata ng United States Forest Service. Bumagsak ang aircraft dakong alas-10 ng umaga noong Biyernes malapit sa Richfield, Utah habang nakatalaga sa pag-apula ng Widemouth 2 Fire.

Ayon sa NIFC, mahigit isang araw bago narating ng mga rescue team ang lugar ng insidente dahil sa matinding kondisyon ng sunog at matarik na kalupaan. Narekober ang mga labi ng mga biktima noong Sabado ngunit hindi pa inilalabas ang kanilang mga pangalan.

Dahil sa patuloy na banta ng wildfire, nagpatupad ng evacuation at road closures ang mga awtoridad para sa mga residenteng nasa apektadong lugar.

--Ads--

Sinabi naman ni Deputy Incident Commander Tyler Hecht na pansamantalang itinigil ng mga tauhan ang operasyon upang makapagtipon at makapagplano muli matapos ang aksidente bago ipinagpatuloy ang firefighting efforts.

Binigyang-diin niya na hindi magbabago ang kanilang operasyon at magpapatuloy ang paggamit ng mga aircraft upang suportahan ang mga bumbero sa lupa sa paglaban sa sunog.

Samantala, inilarawan ni Utah Governor Spencer Cox ang wildland firefighting bilang isa sa mga pinakamapanganib na trabaho sa mundo at hiniling sa publiko na ipagdasal ang mga nasawing crew member at kanilang mga pamilya.

Nagsagawa rin ng isang procession ang Utah Highway Patrol upang ihatid ang mga labi ng mga itinuring nilang “fallen heroes.”

Nagsimula ang Widemouth 2 Fire matapos tamaan ng kidlat ang Fishlake National Forest noong Hulyo 27. Sa pinakahuling tala, mahigit 111,000 ektarya na ng kagubatan ang natupok at 24 porsiyento pa lamang ang naaapula.