--Ads--

Arestado ang isang 37-anyos na lalaki sa isinagawang intelligence-driven anti-illegal drug operation ng Aurora Police Station sa loob ng Public Cemetery sa Barangay Ballesteros, Aurora, Isabela, dakong alas-9:05 kagabi, Agosto 10, 2026.

Ang suspek ay itinago sa alyas na “Jay,” isang pintor at residente ng Barangay Santa Rosa, Aurora, Isabela.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na intelligence operatives ng Aurora Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nagresulta ito sa pagkakasamsam ng dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 0.7 grams at tinatayang street value na ₱2,000.

--Ads--

Nakumpiska rin mula sa suspek ang isang tunay na ₱1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, ₱500 cash, isang cellphone, isang caliber .38 revolver na may dalawang bala, isang tactical sling bag, at isang motorsiklong may sidecar na walang plaka.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Aurora Police Station ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.