--Ads--

Ligtas nang nakauwi sa bansa ang 22 Filipino seafarers matapos maapektuhan ng drone strikes ang kanilang mga barko sa Strait of Hormuz at Black Sea, ayon sa Department of Migrant Workers o DMW.

Dumating sa NAIA Terminal 3 noong Agosto 10 ang mga seafarer sakay ng magkahiwalay na flight mula Qatar at Türkiye.

Labing-apat sa kanila ang crew ng M/V Acheloos, habang walo naman ang sakay ng M/V Else.

Agad silang sinalubong ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, na nagbigay ng airport assistance, financial assistance at paunang medical checkup.

--Ads--

Inatasan din ng DMW at OWWA ang mga manning agency na tiyaking sasailalim ang mga seafarer sa kinakailangang physical at psychological evaluation at matatanggap ang lahat ng benepisyo at kompensasyong nararapat sa kanila.

Pinaalalahanan naman ng DMW ang mga manning agency na itinuturing na high-risk area ang Black Sea.

Noong Hulyo, iniulat ng ahensya na dalawang Filipino seafarer ang nasawi at hindi bababa sa 12 ang nasugatan matapos ang drone attack sa Black Sea.