--Ads--

Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang dating beauty queen at limang babaeng Russian sa isinagawang human trafficking operation sa isang mamahaling hotel sa Makati City nitong Huwebes.

Ayon sa NBI, isinagawa ng International Operations Division (IOD) ang operasyon madaling-araw ng Huwebes na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng isang lalaking talent manager at may-ari umano ng isang kilalang modeling agency.

Nagsagawa ng operasyon ang NBI matapos makatanggap ng impormasyon na ang mga biktima, kabilang ang mga beauty queen, artista at modelo, ay umano’y inaalok para sa commercial sexual exploitation kapalit ng bayad na nakadepende sa oras o overnight arrangement.

Lumabas din sa imbestigasyon na kasama sa umano’y modus ang pag-aayos ng Domestic and International flights para sa companionship services.

--Ads--

Sa isinagawang entrapment operation, nakipagkasundo ang undercover agent ng NBI sa suspek para sa pag-book sa mga babae. Ayon sa ahensya, pumayag umano ang suspek na ibigay ang mga babae sa halagang P25,000 bawat isa bukod pa sa komisyon.

Kaagad na inaresto ang suspek matapos tanggapin ang marked money mula sa poseur-buyer ng NBI.

Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Makati City Social Welfare and Development Office ang anim na babaeng nasagip upang mabigyan ng kinakailangang tulong at suporta.

Samantala, sumailalim na sa inquest proceedings ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.