Inaasahang darating sa bansa sa Linggo ng gabi si Justin Brownlee upang muling makasama sa ensayo ng Gilas Pilipinas bilang paghahanda para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers at sa nalalapit na 20th Asian Games.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Tim Cone, magsisimula nang makipagsanay si Brownlee sa pambansang koponan sa Lunes.
Magiging unang pagkakataon ito na muling makakasama ng Gilas ang kanilang naturalized player matapos itong maglaro sa ikatlong window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers noong nakaraang buwan.
Nakapaglaro si Brownlee sa laban ng Gilas kontra New Zealand sa Auckland na nagtapos sa 106-102 overtime loss. Gayunman, hindi na siya naglaro sa sumunod na laban kontra Australia sa Perth upang mabigyan ng pahinga ang kanyang hamstring injury.
Kasabay ng pagbabalik ni Brownlee sa Gilas, tuluyan nang natapos ang panunungkulan ni import Riley Grigsby sa Barangay Ginebra.
Nagtapos ang kampanya ng Ginebra sa unang round ng eliminations ng PBA Governors’ Cup matapos matalo sa Meralco, 97-88, at magtala ng 2-4 win-loss record sa Group B.
Umaasa naman si Cone na magiging ganap nang malusog si Brownlee matapos ang kanyang kampanya kasama ang Gilas sa Asian Games.
Muling sasabak ang Barangay Ginebra sa ikalawang round ng PBA Governors’ Cup sa Oktubre 9 laban sa Rain or Shine.











