--Ads--

Inihayag ni dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer Gina Acosta sa pagdinig sa Senado na ipinag-utos umano ni Vice President Sara Duterte ang pag-release ng kabuuang P500 milyong confidential funds sa dating pinuno ng Vice Presidential Security and Protection Group na si Col. Raymund Dante Lachica.

Sa ika-16 na araw ng impeachment trial, kinumpirma ni Acosta na personal niyang inilabas kay Lachica ang P125 milyong confidential funds noong 2022 at karagdagang pondo noong 2023 matapos umano siyang utusan ng noo’y pinuno ng OVP.

Ayon kay Acosta, si Lachica ang itinalagang security officer ng OVP at siya rin umano ang may sapat na kaalaman sa pagpapatupad ng mga confidential activities ng tanggapan.

Gayunman, inamin niya na walang probisyon sa Joint Circular 2015-01 na nagbibigay ng awtoridad kay Lachica upang tumanggap o humawak ng confidential funds.

--Ads--

Lumabas din sa pagdinig na nagbigay umano si Lachica ng mga rekomendasyon sa pagbuo ng Physical and Financial Plans ng OVP kaugnay ng paggamit ng confidential funds dahil siya ang magsasagawa ng mga operasyon sa ilalim nito.

Binigyang-diin naman ng prosecution na ang mga plano para sa confidential funds ay walang malinaw na detalye hinggil sa lokasyon, bilang at gastos ng mga surveillance activity na nakapaloob sa Good Governance Program ng OVP.

Ipinaliwanag ni Acosta na limitado ang impormasyong nakasaad sa mga plano dahil ito ay mga panukala pa lamang noong panahong iyon at ang mas detalyadong impormasyon ay inilalagay sa mga dokumentong isinusumite sa liquidation process.