--Ads--

Tumitindi ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran matapos masira ang isang barkong dumadaan sa Strait of Hormuz dahil sa pagtama ng hindi pa nakikilalang projectile, ayon sa UK Maritime Trade Operations agency.

Nagtamo ng pinsala ang engine room ng barko at may isang crew member na nasawi sa insidente. Patuloy namang iniimbestigahan kung saan nanggaling ang projectile.

Samantala, sinabi ni US President Donald Trump na wala nang balak ang Estados Unidos na palawigin ang memorandum of understanding o MoU nito sa Iran na nag-expire nitong Lunes.

Nanawagan din si Trump sa Iran na “itaas ang puting bandila ng pagsuko,” habang sinabi niyang nakikipag-usap umano ang kanyang administrasyon sa Iranian Revolutionary Guard Corps. Itinanggi naman ito ng IRGC.

--Ads--

Kasunod ng pag-expire ng MoU, nagpahiwatig ang mga opisyal ng Iran na maaari nilang palakasin ang kanilang estratehiya sa nagpapatuloy na tunggalian laban sa Estados Unidos.

Ayon kay Iranian Foreign Ministry spokesman Esmaeil Baghaei, naging walang saysay na ang 60-araw na deadline para sa negosasyon dahil sa umano’y malulubhang paglabag ng Estados Unidos sa kasunduan. Tiniyak din niyang handang tumugon ang Iranian forces sakaling sila ay atakihin.