--Ads--

Posibleng maging mahalagang bahagi ng ebidensya ng House prosecution panel ang mga foreign trip ni Vice President Sara Duterte, partikular ang kanyang pahayag na personal niyang pera ang ginagamit sa mga biyahe.

Ayon kay Atty. Lorna Kapunan, kailangang matukoy kung ang perang ginagamit ni Duterte sa kanyang madalas na paglalakbay ay maaaring maiugnay sa alegasyon ng unexplained wealth na bahagi ng impeachment case laban sa bise presidente.

Sinabi ni Kapunan na maaaring ikumpara ang idineklarang kita, mga ari-arian at business interests ng pamilya Duterte upang matukoy kung sapat ang kanilang legal na kita para tustusan ang mga gastusin sa kanyang mga biyahe.

Maaari umanong maging mahalaga ang pahayag ni Duterte tungkol sa paggamit ng personal funds kapag nagsimula na ang House prosecutors sa paglalahad ng ebidensya para sa Article II ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa umano’y culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth.

--Ads--

Sa ngayon, ipinagpapatuloy ng House prosecutors ang paglalahad ng ebidensya para sa Article I na tumatalakay sa umano’y maling paggamit at iregular na liquidation ng ₱612.5 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.