--Ads--

Muling iginiit ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan ang kawalan ng konkretong aksyon sa mga poste na nakapuwesto sa bahagi ng kalsada at sinasabing nagdudulot ng panganib sa mga motorista.

Sa ginawang sesyon ng Sangguniang Panlungsod, sinabi ni Sangguniang Panlungsod Member Telesforo Mallillin na hindi na dapat hintayin pang magkaroon ng aksidente bago muling ipatawag ang Isabela Electric Cooperative o Iselco at ang Department of Public Works and Highways o DPWH.

Ayon kay Mallillin, ilang sesyon na umanong tinatalakay ng konseho ang problema sa mga poste na nakapuwesto sa bahagi ng kalsada, ngunit nananatili pa rin ang naturang sitwasyon.

Binigyang-diin niya na hindi lamang dapat kumilos ang mga kinauukulang ahensya kapag may naganap nang aksidente, lalo na’t matagal na umano itong batid ng mga opisyal ng barangay at ng konseho, at mayroon na ring mga naitalang insidente sa ilang lugar.

--Ads--

Nauna na rin umanong hiniling ni Mallillin sa DPWH na lagyan ng reflectors ang mga poste upang mas maging kapansin-pansin ang mga ito sa mga motorista, partikular na sa gabi. Gayunman, sinabi niyang pintura lamang umano ang inilagay sa mga poste sa halip na reflectors.

Samantala, ipinaliwanag naman sa konseho na kinakailangan ng pondo para sa pagpapalit o paglilipat ng mga poste.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Miko Delmendo, kinakailangan munang bayaran ang mga bagong poste bago maisagawa ang pagpapalit, batay sa paliwanag ng DPWH.

Dahil dito, iminungkahi ng konseho na maaaring maunang kumilos ang ISELCO at saka na lamang ayusin ang pagbabayad ng DPWH upang agad na matugunan ang problema.

Ayon kay Delmendo, maaari umanong paabunuhan muna ng Iselco ang pagpapalit ng mga poste habang inaayos ang kaukulang bayad ng DPWH. Sinabi naman ng kinatawan ng Iselco na ipararating nila sa kanilang tanggapan ang naturang kahilingan.

Sa ngayon, hinihintay pa ng Sangguniang Panlungsod ang tugon at konkretong hakbang mula sa Iselco at DPWH upang matugunan ang problemang ilang ulit nang natalakay sa konseho at mabawasan ang panganib sa mga gumagamit ng kalsada.