Nasawi ang isang 56-anyos na magsasaka matapos umanong tamaan ng pagsabog ng hinihinalang improvised explosive device (IED) bandang alas-10:15 ng umaga nitong Agosto 19 sa Barangay Payak, Jones, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Samson Canceran, Deputy Chief of Police ng Jones Police Station,
sinabi niyang nagtamo ng matinding pinsala sa mukha at dibdib ang biktima dahil sa pagsabog.
Kinilala naman ang biktima na si Norberto Bernal, 56 anyos, may asawa at magsasaka, matapos siyang makita ng isang residente na si Virgilio Malaligod na nakarinig ng malakas na pagsabog sa lugar.
Ayon kay PCapt. Canceran, agad naman silang humingi ng tulong sa Scene of the Crime Operations (SOCO) at Explosive Ordnance Disposal (EOD) upang matukoy kung anong uri ng pampasabog at compound ang ginamit sa insidente.
Sinabi ni PCapt. Canceran na walang nakitang malinaw na debris ng bomba sa lugar, maliban sa isang puting plastic na posibleng bahagi ng ginamit na pampasabog.
Samantala, hindi pa isinasantabi ng pulisya ang posibilidad ng foul play, bagama’t tinitingnan din ang iba pang anggulo sa insidente.
Kabilang dito ang posibilidad na aksidenteng sumabog ang isang pampasabog na ginagamit umano sa illegal fishing, gayundin ang posibilidad na sinadya ang insidente o may kaugnayan sa personal na problema ng biktima.
Ayon sa pulisya, lumalabas din sa kanilang paunang imbestigasyon na may pinagdaraanan umanong problemang pinansyal ang biktima at dati nang nakararanas ng pagkalasing, base sa pahayag ng kaniyang pamilya at mga nakasalamuha.
Patuloy naman ang pagsusuri ng EOD at SOCO sa mga nakuhang ebidensiya upang matukoy ang pinagmulan at uri ng pampasabog, gayundin ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng biktima.











