Pinagaan ng Department of Energy o DOE ang mga panuntunan sa pagkakabit ng rooftop solar systems upang mabawasan ang red tape at mahikayat ang mga kabahayan, pasilidad pangkalusugan at maliliit na negosyo na gumamit ng renewable energy.
Sa ilalim ng bagong polisiya ng DOE, hindi na kailangan ng Building Permit at Certificate of Compliance o COC para sa mga kwalipikadong micro-solar systems na hanggang isang kilowatt. Kailangan na lamang itong ipagbigay-alam sa lokal na distribution utility.
Para naman sa ilang mas malalaking solar installation sa mga bahay, clinic at ospital, maaari ring ma-waive ang COC at building permit kung mayroon nang valid structural clearance ang gusali.
Inatasan din ang mga distribution utility na alisin ang ilang pre-installation clearance, technical permit at inspection fee. Binigyan naman ng 12-buwang transition period ang mga gumagamit ng analog meter habang hinihintay ang pagpapalit nito.










