--Ads--

Bumuti ang kalagayan ng tinatayang 6.5 milyong Pilipino mula 2023 hanggang 2025, batay sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority o PSA.

Dahil dito, bumaba sa 9.7 porsyento ang poverty incidence o antas ng kahirapan noong 2025, na pinakamababa na sa kasaysayan ng bansa.

Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev, naabot ng Pilipinas ang single-digit poverty target sa ilalim ng Philippine Development Plan nang tatlong taon na mas maaga kaysa sa itinakdang target.

Sinabi ni Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan na wala pang isa sa bawat sampung Pilipino ang nabubuhay sa ilalim ng poverty line.

--Ads--

Nakatulong umano sa pagbaba ng poverty rate ang mga targeted assistance at iba pang programa ng pamahalaan na naglalayong paliitin ang agwat sa kita ng mga mamamayan.

Batay naman sa PSA, tumaas ng humigit-kumulang 22 porsyento ang nominal income ng mga Pilipino sa iba’t ibang income group mula 2023 hanggang 2025, mas mataas kumpara sa 5 porsyentong cumulative inflation sa parehong panahon.

Samantala, muling inuri ng World Bank ngayong buwan ang Pilipinas bilang isang middle-income economy matapos ang dalawang dekada.

Gayunman, sinabi ng World Bank na kailangan pa ring ipagpatuloy ang mga reporma upang mapanatili ang pag-unlad, mapalakas ang inclusive economic growth at makalikha ng mas maraming de-kalidad na trabaho.

Inirekomenda rin ng World Bank ang pagpapalawak ng targeted social assistance, kabilang ang pansamantalang pagpapalawak ng 4Ps conditional cash transfer program sa mga near-poor households.

Layunin nitong maprotektahan ang mga pinaka-mahihina at maiwasang malugmok sa kahirapan ang tinatayang 2 milyong Pilipino dahil sa epekto ng pagtaas ng presyo ng enerhiya.