--Ads--

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 122 na naglalayong palakasin ang industriya ng critical minerals sa bansa bilang bahagi ng pagsusulong ng industrialization, energy security at sustainable development.

Sa ilalim ng kautusan, paiigtingin ang pagpapaunlad ng mga mineral na mahalaga sa clean energy technologies, advanced manufacturing, digital infrastructure, national defense at iba pang strategic industries.

Inatasan ang Department of Environment and Natural Resources o DENR at Mines and Geosciences Bureau o MGB na magsagawa ng national exploration program at maglabas ng Philippine Critical Minerals List.

Pinaigting din ang “use it or lose it” policy para sa mga mining tenement, habang bibilisan ang privatization ng government-owned mining assets. Maaari ring ideklara bilang mineral reservations ang mga freed-up areas at mining assets.

--Ads--

Kasama rin sa mga hakbang ang pagpapabilis at pagdi-digitalize ng proseso ng pagkuha ng mining permits sa pamamagitan ng Virtual One Stop Shop o VOSS.

Inatasan naman ang Department of Trade and Industry o DTI na isulong ang mga investment para sa value-adding processing ng critical minerals.

Inatasan din ang DENR, Department of Foreign Affairs, Department of Energy, DTI at iba pang ahensya na makipag-ugnayan para sa pagbuo ng strategic partnerships at mga kasunduan kaugnay ng critical minerals.

Samantala, nireorganisa rin sa ilalim ng EO 122 ang Mining Industry Coordinating Council o MICC, na pamumunuan bilang co-chairpersons ng mga kalihim ng DENR at Department of Finance.