--Ads--

Ipinagpaliban ng Department of Education ang nationwide safety drill para sa active attack incidents na nakatakda sana sa Agosto 25, 2026 sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.

Ayon sa DepEd, isasagawa na lamang ang naturang aktibidad sa unang linggo ng Setyembre 2026 dahil sa masamang lagay ng panahon at kanselasyon ng face-to-face classes sa ilang lugar.

Sinabi ng kagawaran na gagamitin ang dagdag na panahon upang matiyak na nakaayon ang drill sa mga rekomendasyon ng mga eksperto sa panahon, disaster preparedness, child protection at psychosocial support, partikular sa pangangalaga sa pisikal at mental na kapakanan ng mga mag-aaral.

Tiniyak din ng DepEd na mananatiling age-appropriate at trauma-informed ang isasagawang safety drill, na nakatuon sa mga pangunahing protective action, komunikasyon, koordinasyon, accountability at recovery.

--Ads--

Hindi rin pahihintulutan ang hyper-realistic o graphic simulations na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang takot o psychological distress sa mga mag-aaral.

Inatasan naman ng DepEd ang lahat ng regional director na agad makipag-ugnayan sa kanilang counterpart sa Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at iba pang kaukulang ahensya.

Pinag-iingat din ang mga paaralan na tiyaking mayroon silang Psychological First Aid at sapat na psychosocial support bilang bahagi ng kanilang School Contingency Plans.

Noong Agosto 22, nanawagan ang Philippine Psychiatric Association at Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry na ipagpaliban ang simulation activities dahil maaari umanong magdulot ng pangmatagalang psychological harm sa mga mag-aaral ang hyper-realistic simulations at hindi naman napatunayang nakapagpapabuti sa safety outcomes.