--Ads--

Umabot na sa 100 ang bilang ng nasawi sa malakas na lindol na tumama sa silangang bahagi ng Indonesia, habang nagpapatuloy ang relief at rescue operations sa ika-10 araw matapos ang kalamidad.

Ayon kay disaster agency chief Suharyanto, nadagdagan ang mga nasawi matapos bawian ng buhay ang ilan sa mga ginagamot dahil sa kanilang mga tinamong injury. Mahigit 1,600 katao naman ang iniulat na nasugatan.

Tumama ang Magnitude 7.7 na lindol sa lalawigan ng East Nusa Tenggara noong Agosto 15, na sinundan ng libo-libong aftershocks.

Dahil sa lindol, napinsala ang mahigit 73,000 kabahayan at napilitang lumikas ang tinatayang 180,000 residente.

--Ads--

Patuloy naman ang pamamahagi ng tulong sa mga apektadong lugar gamit ang mga helicopter, truck at motorsiklo, ayon sa mga awtoridad.

Itinuturing na ito ang pinakamapaminsalang lindol sa Indonesia mula noong 2022, nang isang magnitude 5.6 na lindol sa West Java ang ikinasawi ng daan-daang katao.

Ang Indonesia ay kabilang sa mga bansang nasa Pacific Ring of Fire, isang aktibong sona kung saan nagtatagpo ang mga tectonic plate kaya madalas makaranas ng lindol at pagputok ng mga bulkan.