Nasa 90% na ang kahandaan ng Commission on Elections (Comelec) Region 2 para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE na nakatakdang idaos sa Nobyembre 2, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2, sinabi nitong kasalukuyan nang nakatuon ang kanilang paghahanda sa paghahain ng Certificate of Candidacy o COC.
Ayon kay Cortez, mas masalimuot ang proseso ng filing ng COC para sa BSKE kumpara sa local elections dahil mas marami ang mga naghahain ng kandidatura.
Aniya, sa local elections ay maaaring nasa 50 lamang ang naghahain ng COC, ngunit sa BSKE ay maaari nang umabot sa ganitong bilang ang mga nais kumandidato sa isang barangay pa lamang.
Dahil dito, nakatuon ang kanilang paghahanda sa maayos na pagtanggap at pagproseso ng mga COC.
Matrabaho rin umano ang proseso dahil kinakailangang isa-isang i-encode ang personal na datos ng bawat kandidato at kailangang maging 100% accurate ang mga ito upang maiwasan ang pagkakamali.
Sa ngayon, halos kumpleto na umano ang kanilang paghahanda at hinihintay na lamang ang mga kandidato dahil magsisimula pa ang filing ng COC sa huling linggo ng Setyembre.
Nilinaw rin ni Cortez na kasabay ng pagsisimula ng filing ng COC ang pormal na pagsisimula ng election period.
Sa kabila ng inaasahang dami ng mga maghahain ng kandidatura, sinabi ni Cortez na wala silang planong magdagdag ng personnel, maliban na lamang kung magkakaloob ng karagdagang tauhan ang Comelec central office.
Samantala, iginiit ni Cortez na hindi naaapektuhan ng mga panukalang pagpapaliban sa BSKE ang kanilang paghahanda.
Aniya, hangga’t wala pang opisyal na batas o kautusan na nagpapaliban sa halalan, magpapatuloy ang Comelec sa kanilang preparasyon.









