--Ads--

Pormal nang inilunsad ng Department of Education (DepEd) ngayong Agosto 26 ang Project LIGTAS o Learning Institution Geohazard Tracking and Assessment for Safety, isang advanced risk intelligence platform na gumagamit ng artificial intelligence (AI) at satellite imagery upang matukoy ang mga posibleng hazard sa mga paaralan.

Isinagawa ang paglulunsad matapos ang matagumpay na pilot testing ng proyekto noong Mayo.

Kabilang sa pangunahing feature ng Project LIGTAS ang AI-powered weather forecast na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa posibleng lagay ng panahon hanggang 10 araw nang maaga.

Gamit din ang satellite imagery at hazard maps, natutukoy ng platform ang mga partikular na panganib na maaaring makaapekto sa bawat paaralan at nagbibigay ng maagang babala sa mga kinauukulan.

--Ads--

Kabilang sa mga hazard na tinututukan ng Project LIGTAS ang baha, volcanic activity, landslide at lindol.

Layunin ng proyekto na matulungan ang mga paaralan at lokal na pamahalaan na mas maagang makapaghanda at makaresponde sa mga banta ng kalamidad, mabawasan ang kanselasyon ng klase, at mapanatili ang kaligtasan ng mga guro at estudyante.

Gayunman, hindi direktang nag-uutos ng class suspension ang platform. Sa halip, nagbibigay ito ng risk assessment at iba pang impormasyon na maaaring maging batayan ng mga Local Government Unit at school authorities sa kanilang pagpapasya kaugnay ng suspensyon ng klase at iba pang hakbang pangkaligtasan.