--Ads--

Nagtalaga ang Public Order and Safety Division o POSD ng Cauayan City ng mga itinalagang parking area para sa mga malalaking truck na inaabutan ng gabi sa kanilang biyahe, upang doon muna makapagpahinga ang mga driver at maiwasan ang pagpaparada sa kahabaan ng Maharlika Highway.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, patuloy ang kanilang clearing operations hanggang gabi at madaling-araw laban sa mga truck na nakaparada sa national highway.

Aniya, nauunawaan nilang mahalaga ang trabaho ng mga truck driver dahil kabilang sa kanilang mga binibiyahe ang mga pangunahing produkto gaya ng pagkain, mais at palay. Gayunman, kung inaabutan na ng antok ang mga driver, mas mabuting magpahinga sa mga itinalagang parking area kaysa iparada ang kanilang truck sa gilid ng highway.

Kabilang sa mga maaaring gamitin ng mga truck driver ang Nungnungan bypass road para sa mga biyaheng southbound o patungong Metro Manila. Para naman sa mga biyaheng northbound, maaari umanong gamitin ang bypass road sa bahagi ng boundery ng Reina mercedes.

--Ads--

Maaari rin umanong gamitin ang mga kalsadang papasok sa mga barangay na bakante.

Ayon kay POSD chief Mallillin, may mga lugar na kayang mag-accommodate ng maraming truck kaya hindi na kinakailangang iparada ang mga ito sa mismong Maharlika Highway.

Wala namang partikular na oras na itinakda sa paggamit ng mga designated parking area dahil maaaring manatili roon ang mga truck driver hanggang sa matapos silang magpahinga, kahit abutin pa ito ng tanghali, basta’t hindi sila nakaparada sa kahabaan ng Maharlika Highway.

Binigyang-diin niya na hindi sapat ang paglalagay lamang ng early warning device kung iiwan ang truck sa national highway. Maaari umanong ma-clamp ang sasakyan at magkaroon ng kaukulang aksyon sa lisensya ng driver kapag napatunayang lumabag sa mga umiiral na regulasyon.

Layunin umano ng hakbang na maiwasan ang mga aksidente, lalo na tuwing gabi at madaling-araw kung kailan madilim o maulan at maaaring bumaba ang alertness ng mga motorista maliban pa sa mga naitatalang human error dahil ang driver ay nasa impluwensya ng alak.

Katuwang ng POSD sa operasyon ang mga regular na tauhan ng Philippine National Police, Highway Patrol Group at mga barangay personnel.