--Ads--

Nasamsam ng mga awtoridad ang isang mobile phone sa pagpapatupad ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 sa Barangay Salinungan West, San Mateo, Isabela noong madaling-araw ng Agosto 26.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSg. Romel Gabia ng San Mateo Police Station, sinabi nito na bandang alas-4:50 ng madaling-araw nang ipatupad ng pinagsanib na pwersa ng Sabangan Municipal Police Station bilang lead unit, Regional Anti-Cybercrime Unit–Mountain Province, at San Mateo Municipal Police Station ang search warrant sa isang bahay sa Purok 3 ng nasabing barangay.

Ayon sa pulisya, ang WSSECD No. 1 ay inilabas noong Agosto 25 ni Regional Trial Court Branch 36 Judge Sergio T. Angnganay ng Bontoc, Mountain Province kaugnay ng kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act.

Sa operasyon, nakumpiska ang isang TECNO Spark mobile phone na pinaniniwalaang may kaugnayan sa computer o device data na saklaw ng search warrant.

--Ads--

Isinagawa sa lugar ang marking, inventory, at photographing ng ebidensya sa presensya ng respondent na si alyas “Mario,” 33-anyos, binata at karpintero, gayundin ng mga itinalagang insulating witnesses na pawang mga barangay kagawad.

Gumamit din ang mga operatiba ng Alternative Recording Devices bilang bahagi ng dokumentasyon ng implementasyon ng warrant upang matiyak ang integridad at transparency ng proseso.

Natapos ang documentation process bandang alas-6:48 ng umaga at nakatakdang dalhin ang nakumpiskang cellphone sa Sabangan Police Station para sa karagdagang dokumentasyon bago ito isumite sa korte para sa mga susunod na legal na hakbang at pagsusuri sa laman ng device.