Nasawi ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman sa Purok 2, Sinamar Norte, San Mateo, Isabela, kagabi, Mayo 30.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ericson Aniag, hepe ng San Mateo Police Station, sinabi niyang dakong alas-7 ng gabi, habang papalabas ng kanilang compound ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo, bigla itong nilapitan ng isang indibidwal na nakamotorsiklo at pinagbabaril.
Tinamaan ang biktima sa tagiliran at kaliwang bahagi ng dibdib, na naging sanhi ng agaran nitong pagkasawi.
Bagama’t nakuhanan ng CCTV camera ang insidente, nahihirapan ang mga awtoridad na matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek dahil malakas ang ulan nang mangyari ang pamamaril, dahilan upang maging malabo ang CCTV footage.
Ayon kay PMaj. Aniag, dati nang nasangkot sa ilegal na droga ang biktima taong 2014 sa bayan ng San Mateo at muling nahuli sa kaparehong kaso sa Cabatuan, Isabela taong 2024.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. Inalerto na rin ang mga kalapit na himpilan ng pulisya upang agad na matunton ang suspek at mabigyan ng hustisya ang biktima.











