Kusang sumuko sa mga awtoridad ang nasa likod ng karumal-dumal na pagpaslang sa isang 37-anyos na lalaki na natagpuang wala nang buhay at tadtad ng taga sa isang sementeryo sa Daramuangan Sur, San Mateo, Isabela noong ika-22 ng Hunyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSSgt. Romel Gabi, Imbestigador ng San Mateo Police Station, sinabi nito na sa pamamagitan ng kanilang backtracking ay nalaman ang mga huling kasama ng biktima na nagresulta sa pagkakatukoy sa suspek.
Nitong Hunyo 25 ay kusang nagtungo sa himpilan ng Cauayan City Police Station ang suspek at umamin sa nagawa nitong krimen.
Siya ay itinago sa alyas na “Canol,” 25-anyos at residente ng Barangay 4, San Mateo, Isabela.
Dahil tapos na ang reglementary period para mai-inquest ang suspek ay sasailalim ito sa regular preliminary investigation. Nakiusap naman ito na manatili muna sa himpilan ng Pulisya dahil sa pangamba nito sa kaniyang buhay.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng Pulisya na may matagal nang alitan ang suspek at biktima subalit dahil sila’y magkasama sa trabaho ay nagsasama pa rin ang ito paminsan-minsan.
Nang gabing mangyari ang krimen ay muli umanong naungkat ang hindi nila pagkakaunawaan na nauwi sa pagkasawi ng biktima matapos magtamo ng 11 na taga.
Ayon kay PSSgt. Gabia, kapwa lango sa alak at nasa impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot ang mga sangkot nang mangyari ang krimen.
Nakatakda namang sampahan ng kasong homicide ang suspek.











