Magpapatupad ng mas sistematikong monitoring ang Traffic Enforcement Unit o TEU ng Santiago City Police Station sa mga pampublikong terminal upang matukoy at matala ang mga driver, operator, at mga pampublikong sasakyang bumibiyahe sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., sinabi nitong kabilang sa mga hakbang ng TEU ang pagkuha ng pangalan ng mga driver at pagbuo ng mas kumpletong talaan ng mga pampublikong sasakyan na bumibiyahe mula sa mga terminal.
Ipinaliwanag nito na mahalaga ang pagkakaroon ng malinaw at organisadong talaan upang matukoy kung sinu-sino ang mga driver na bumibiyahe sa bawat ruta.
Aniya, makikipag-ugnayan din ang TEU sa mga transport organization upang matugunan ang mga isyung kinakaharap ng kanilang mga miyembro, gaya ng isinagawang koordinasyon ng PNP sa mga tricycle operators and drivers association sa lungsod.
Samantala, magpapatuloy ang deployment ng mga tauhan ng PNP sa mga pampublikong terminal bilang bahagi ng pinaigting na pagbabantay sa mga driver at pampublikong sasakyan.
Tututukan din umano ng TEU ang posibilidad ng drunk driving, bagama’t limitado ang agarang pagsasagawa ng alcohol testing dahil wala umanong alcohol breath analyzer ang PNP na maaaring gamitin sa pagsusuri sa mga driver na hinihinalang nakainom.
Sa kabilang banda, tiniyak ni PMaj. Aggabao ang patuloy na suporta ng PNP sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at Land Transportation Office o LTO, partikular sa deployment at monitoring sa mga pampublikong terminal.
Binigyang-diin ng opisyal na sa kabila ng kakulangan sa kagamitan at operational capability, mananatili ang presensya ng PNP sa mga terminal upang palakasin ang monitoring at pagpapatupad ng mga batas at regulasyon sa transportasyon.









