--Ads--

Iniuugnay ng mga awtoridad ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga insidente ng krimen at vehicular accidents sa Santiago City sa pinaigting at pinalawak na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa at traffic regulations sa Lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., Acting Chief ng Traffic Enforcement Unit o TEU, sinabi nito na mas lumawak ang saklaw ng kanilang enforcement operations kasunod ng pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa pampublikong kaligtasan.

Kabilang dito ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansang nagbabawal sa paninigarilyo at pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar.

Aniya, ang pinalawak na implementasyon ng mga naturang ordinansa ay bahagi ng mas malawak na kampanya upang mapanatili ang kaayusan sa komunidad at higit pang mapalakas ang presensya ng mga law enforcers sa mga lansangan.

--Ads--

Bukod dito, nakapagtala ang TEU ng 819 na naisyung citation tickets noong buwan ng Mayo, na sumasalamin sa pinaigting na pagpapatupad ng mga umiiral na batas at ordinansa sa lungsod.

Ipinaliwanag ni PMaj. Aggabao na hindi lamang pagpapanagot sa mga lumalabag ang layunin ng kanilang enforcement operations kundi ang pagpigil sa paglitaw ng mga insidenteng maaaring magbanta sa seguridad at kaligtasan ng publiko.

Binigyang-diin din niya na isa sa mga pangunahing layunin ng kanilang kampanya ay mapanatiling mababa ang bilang ng mga tinatawag na focus crimes sa pamamagitan ng mas madalas na presensya ng mga pulis at traffic enforcers sa mga pangunahing lansangan at iba pang pampublikong lugar.

Ayon pa sa opisyal, nagsisilbing panghadlang o deterrent ang nakikitang presensya ng mga awtoridad upang maagapan at mapigilan ang mga posibleng paglabag sa batas.

Ipinakikita rin umano ng mga naitalang datos ng kapulisan na ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga traffic regulations at ordinansa ay nakatulong sa pagbaba ng bilang ng mga vehicular accidents sa lungsod.