--Ads--

Nadagdagan pa ang bilang ng mga bayan sa Isabela na may kumpirmadong kaso ng African Swine Fever o ASF, ayon sa Provincial Veterinary Office.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dra. Helen Sevilla, Provincial Veterinarian ng Isabela, sinabi nitong umabot na sa pitong bayan at 23 barangay ang may kumpirmadong kaso ng ASF. Kabilang dito ang Quirino, Alicia, San Mateo, Luna, Ramon, San Isidro, at Echague.

Ayon kay Sevilla, simula nang maitala ang unang kaso ng ASF sa lalawigan ay nagsagawa na ang pamahalaang panlalawigan ng iba’t ibang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng virus, kabilang ang pamamahagi ng disinfectant at patuloy na monitoring at surveillance sa mga apektadong lugar.

Aniya, agad na pinupuntahan ng kanilang tanggapan ang mga lugar na nag-uulat ng mga alagang baboy na nagpapakita ng sintomas ng ASF upang magsagawa ng disease surveillance at investigation, kabilang ang pagkuha ng blood samples para sa laboratory testing.

--Ads--

Kapag kumpirmadong positibo sa ASF ang mga baboy, agad umano itong isinasailalim sa culling upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Sa kabuuan, nasa 375 baboy na ang isinailalim sa culling, habang 35 hog raisers mula sa pitong munisipalidad ang naapektuhan ng ASF.

Samantala, nanawagan ang Provincial Veterinary Office sa mga hog raisers na namatayan ng baboy dahil sa sakit na tiyaking maayos ang pagtatapon o disposal ng mga namatay na alagang hayop upang hindi kumalat ang virus sa ibang baboy.

Sa kabila nito, tiniyak ni Sevilla na nananatiling sapat ang suplay ng karne ng baboy sa Isabela at wala pa umanong direktang epekto ang ASF sa mga meat vendor.

Ilan sa mga suplay ay nagmumula pa umanosa mga karatig-lalawigan. Gayunman, mahigpit umano ang ginagawang inspeksyon ng mga awtoridad sa mga pumapasok na suplay ng baboy sa Isabela. Kabilang dito ang pagtatayo ng checkpoints sa Cordon, Quezon, at San Pablo upang matiyak na walang makapapasok na mga hayop o produktong maaaring may dalang ASF virus.