Nakatakdang parangalan ng Kamara de Representantes ang 98 mambabatas na nakapagtala ng perfect attendance sa lahat ng plenary sessions ng First Regular Session ng ika-20 Kongreso.
Aabot sa 98 kongresista ang tatanggap ng opisyal na pagkilala matapos makadalo sa lahat ng 39 plenary session mula Hulyo 2025 hanggang Hunyo 2026.
Ayon kay House Ethics Committee Chairman JC Abalos, layunin ng House Resolution No. 1394 na itaguyod ang kultura ng disiplina, dedikasyon at pananagutan sa serbisyo publiko.
Ang resolusyon ay inihain nina Speaker Bojie Dy III, Majority Leader Sandro Marcos, Minority Leader Marcelino Libanan at Rep. Abalos upang magsilbing inspirasyon at pamantayan sa mga halal na opisyal ng pamahalaan.
Sinabi ni Abalos na hindi lamang dapat nakatuon sa pagpapataw ng parusa ang usapin ng ethics, kundi pati sa pagkilala sa mga mambabatas na nagpapakita ng disiplina at matibay na commitment sa kanilang tungkulin.
Aniya, mahalaga ring kilalanin ang mga gumagawa ng tama bilang bahagi ng pagpapalakas sa institusyon at pagsusulong ng mabuting pamamahala.










