Narekober na ang bangkay ng isang pitong taong gulang na bata na nalunod sa bahagi ng Cagayan River sa Barangay Auitan, San Pablo, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Pedro B. Allam, Officer in Charge ng PNP San Pablo, sinabi nitong noong Agosto 28 nang makatanggap sila ng tawag mula sa San Pablo MDRRMO hinggil sa insidente.
Agad umanong nagtungo ang mga tauhan ng pulisya sa Barangay Auitan upang tumulong sa search and rescue operation para sa biktimang isang Grade 2 pupil at residente ng nasabing bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagtungo umano sa ilog ang isang ginang kasama ang kanyang dalawang pamangkin upang maligo nang hindi nila napansin na napunta sila sa bahagi ng ilog na malalim.
Dahil dito, tinangay umano ng agos ang mga ito at muntik nang malunod ang dalawang kasama ng biktima.
Samantala, dagdag pa ni PCapt. Allam, matapos ang ilang araw na paghahanap, narekober ang bangkay ng bata nitong Agosto 30, sa boundary ng Barangay Namabbalan, Tuguegarao City, Cagayan.
Ayon sa pulisya, nakita nang lumulutang sa ilog ang labi ng bata.
Sinabi ni PCapt. Allam na nakipag-ugnayan na rin ang kanilang hanay sa punong barangay upang paigtingin ang pagbabantay sa ilog at maiwasan ang pag-ulit ng katulad na insidente.
Muli namang pinaalalahanan ang publiko, lalo na ngayong tag-ulan, na maging maingat sa pagpunta sa mga ilog at iwasang maligo sa mga bahaging malalim o malakas ang agos.











