--Ads--

Isang matandang babae ang natagpuang buhay sa loob ng kanyang gumuhong bahay sa Betrawati village, Nepal, sampung araw matapos siyang paniwalaang nasawi sa matinding pagbaha at pagguho ng lupa.

Si Chandika Kumari Shrestha ay natagpuan ng mga rescuer sa isang makitid na espasyong may hangin sa loob ng bahay, na napalibutan ng tubig at putik.

Ayon sa mga awtoridad, inanod ng baha ang apat na palapag na bahay ni Shrestha at naiwan ito sa gitna ng makapal na putik. Narinig umano ng mga rescuer ang kanyang boses habang iniinspeksyon ang lugar.

Matapos ang 45-minutong rescue operation noong Sabado, agad siyang dinala sa isang military hospital para sa pagpapagamot.

--Ads--

Kabilang si Shrestha sa daan-daang nawawala sa Betrawati, isa sa mga lugar na pinakatinamaan ng pagbaha sa Nepal.

Patuloy naman ang search and rescue operations ng mga awtoridad, habang halos 5,000 katao pa rin ang nawawala 11 araw matapos magsimula ang sakuna na ikinasawi ng mahigit 1,300 katao sa buong Nepal.