--Ads--

Magsisimula na ang National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS sa pagpapatubig para sa dry cropping season ngayong 2027.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roldan Bermudez, Manager ng Engineering Operations ng NIA-MARIIS, sinabi nitong mayroong tatlong tranche na itinakda ang kanilang ahensya para sa susunod na cropping season.

Nakaiskedyul na simulan ang unang tranche sa September 15, 2026, na may program area na 52,573 hectares.

Susundan ito ng ikalawang tranche sa September 30 na may 25,799 hectares, habang ang ikatlong tranche ay nakatakdang magsimula sa October 15 at may program area na 17,139 hectares.

--Ads--

Ayon kay Bermudez, kinakailangang hati-hatiin ang schedule ng pagpapatubig dahil nakabatay ito sa kasalukuyang water supply ng Magat Dam.

Sa ngayon, nasa 181 meters above sea level ang elevation ng Magat Dam at hindi umano kakayanin ng kasalukuyang suplay ng tubig na sabay-sabay na patubigan ang buong service area ng NIA-MARIIS.

Nilinaw naman ni Bermudez na nakadepende sa magiging pagtaas ng antas ng tubig sa dam ang pagpapatupad ng ikalawa at ikatlong tranche.

Isa rin umano sa kanilang isinasaalang-alang ang posibleng epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan, dahil kung magiging malala ang epekto nito ay posibleng hindi na matuloy ang huling dalawang tranche ng pagpapatubig.

Dahil dito, nag-request ang NIA-MARIIS ng panibagong cloud seeding operation sa Magat Dam sa Department of Agriculture at Bureau of Soils and Water Management o BSWM, na nakatakdang maglaan ng 16 oras na operational period.

Samantala, nagsagawa rin ng pagpupulong ang NIA-MARIIS kasama ang mga opisyal ng irrigators’ associations, local government units at iba pang stakeholders upang ipabatid ang kasalukuyang sitwasyon ng suplay ng tubig at ang iskedyul ng pagpapatubig.