Nanawagan si Vice President Sara Duterte nitong Biyernes kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbitiw sa puwesto, ilang sandali matapos ipagpaliban ang kaniyang arraignment sa kasong grave threats sa Quezon City.
Sa harap ng kaniyang mga tagasuporta sa Quezon City Hall, mariing binatikos ni Duterte ang Pangulo at tinawag itong “sinungaling,” “abusado,” “adik” at “korap.”
Hinamon din niya si Pangulong Marcos na umalis sa puwesto at iginiit na wala umano itong utang na loob sa mga Pilipinong naghalal sa kaniya.
Ginawa ni Duterte ang panawagan matapos ipagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang kaniyang arraignment sa tatlong bilang ng grave threats dahil sa mosyong inihain ng kaniyang legal team.
Nauna nang isinampa ng Department of Justice ang mga kaso kaugnay ng mga pahayag ni Duterte noong 2024 tungkol kina Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.











