--Ads--


Gagamitin ng House prosecution panel ang financial records ni Vice President Sara Duterte bago siya naupo bilang Pangalawang Pangulo upang maipakita ang baseline ng kanyang yaman sa impeachment trial.

Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro party-list Representative Terry Ridon, makatutulong ang mga rekord upang maibigay ang konteksto sa mga alegasyon ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.

Kabilang sa mga hinihinging rekord ang financial accounts ni Duterte mula 2007 hanggang 2021, gayundin ang mga rekord ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Gayunman, nilimitahan ng Senate impeachment court ang paggamit sa mga rekord bago ang termino ni Duterte bilang impeachment official. Maaari lamang umano itong gamitin upang maitatag ang factual baseline ng kanyang yaman at hindi bilang batayan ng panibagong impeachable offense.

--Ads--

Mas pagtutuunan naman ng prosecution panel ang mga rekord na saklaw ng termino ni Duterte bilang Bise Presidente, partikular ang mga transaksyon at financial records noong 2022.

Nakatakdang simulan ng prosecution ang paglalahad ng kanilang mga ebidensya para sa Article II sa Lunes.Sa Article II, inaakusahan si Duterte ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust kaugnay ng umano’y pagkakaroon ng yaman na hindi katumbas ng kanyang legal na kita.