--Ads--

Matagumpay na naisagawa ang Division Schools Press Conference (DSPC) sa Cauayan City, na nilahukan ng mahigit 1,600 student journalists at coaches mula sa iba’t ibang paaralan sa division.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gemma Bala, Division Information Officer ng SDO Cauayan, sinabi niyang naging matagumpay ang aktibidad na isinagawa sa Cauayan City National High School, na naging host school naman ang Cauayan City Standalone Senior High School.

Ayon kay Bala, hindi naging malaking hamon ang pagsasagawa ng DSPC dahil taun-taon na itong ginagawa, bagama’t kinailangan nilang mairaos ang aktibidad sa loob lamang ng dalawang araw.

Iba’t ibang indibidwal at pangkatang kompetisyon ang nilahukan ng mga student journalists, kabilang ang news, editorial at feature writing, literary at mobile journalism, gayundin ang radio at television broadcasting, collaborative desktop publishing at online publication.

--Ads--

Samantala, sinabi ni Bala na isasagawa ang karagdagang pagsasanay sa mga student journalist na magpapatuloy sa mas mataas na antas ng kompetisyon. Kabilang dito ang school-based intensive training na maaaring i-integrate sa kanilang regular na pag-aaral.