--Ads--

Nahaharap sa mga reklamo ang 40-anyos na tricycle driver matapos umanong murahin at suwayin ang mga pulis na nagsasagawa ng imbestigasyon sa isang vehicular accident sa Alicaocao Bridge, Cauayan City, nitong gabi ng Setyembre 20.
‎
‎Ayon sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa pulisya, dakong 8:55 ng gabi nang maganap ang aksidente na kinasangkutan ng isang itim na Toyota Wigo na minamaneho ng isang 34- taong gulang na babae at isang berdeng tricycle na minamaneho ng naturang lalaki.
‎
‎Batay sa ulat, magkasalungat ang direksiyong tinatahak ng dalawang sasakyan nang mangyari ang aksidente.
‎
‎Agad na rumesponde ang mga pulis upang imbestigahan ang insidente.

‎Habang isinasagawa ang imbestigasyon, napansin umano ng duty investigator na tila nakainom ang tricycle driver dahil sa amoy ng alak.
‎
‎Nang kausapin umano siya ng pulis, naging agresibo ang driver at pinagmumura ang mga awtoridad.
‎
‎ Ilang beses umano siyang pinagsabihang kumalma at makipagtulungan, ngunit nagpatuloy umano siya sa pagbigkas ng mga nakaiinsultong salita.
‎
‎Dahil dito, isinampa laban sa driver ang mga reklamong Damage to Property at Resistance and Disobedience Upon an Agent in Authority.
‎
‎Sa ngayon ay natapos na ang imbestigasyon at naisampa na ang kaukulang mga reklamo, ngunit nagpapatuloy pa ang legal na proseso ng kaso. Wala pang pinal na desisyon kaugnay sa pananagutan ng inirereklamong driver.
‎
‎Paalala ng mga awtoridad sa mga motorista na iwasang magmaneho kapag nakainom at makipagtulungan sa mga awtoridad upang maiwasan ang aksidente at iba pang insidente sa kalsada.