Bumaba ang koleksyon ng ISELCO I-Cauayan Branch dahil sa pagkaantala ng pagbabayad ng ilang member-consumer sa kanilang mga power bills kasunod ng pagpapatupad ng no-disconnection policy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Laarni San Antonio, Branch Office Supervisor ng ISELCO I-Cauayan Branch, sinabi niyang malaki ang ibinaba ng kanilang koleksyon matapos ipatupad ang polisiya na pansamantalang nagsususpinde sa disconnection ng mga consumer na hindi nakapagbayad ng kanilang electric bills.
Una itong ipinatupad para sa billing period ng Mayo hanggang Hulyo 2026 at pinalawig ng Energy Regulatory Commission hanggang Oktubre para sa billing period ng Agosto hanggang Oktubre.
Sinabi ni San Antonio na iba-iba ang dahilan kung bakit hindi agad nakakapagbayad ang mga member-consumer, bagama’t posibleng nakaapekto rin ang no-disconnection policy sa pagkaantala ng kanilang pagbabayad.
Aniya, kapag marami ang hindi nakakapagbayad sa oras, direktang naaapektuhan ang koleksyon ng kooperatiba na ginagamit din sa pagtugon sa mga obligasyon nito sa mga power supplier.
Dahil dito, hinikayat ng opisyal ang mga member-consumer na may kakayahang magbayad na huwag ipagpaliban ang kanilang mga power bills upang makatulong sa regular na pagbabayad ng ISELCO I sa mga supplier at sa pagpapatuloy ng maayos na serbisyo ng kooperatiba.










