--Ads--

Magkakaroon ng special election sa Batanes para punan ang nabakanteng puwesto sa Kamara kasunod ng pagpanaw ni Batanes Lone District Representative Ciriaco Gato Jr. noong Lunes, Setyembre 21.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng COMELEC Region 02, sinabi niyang alinsunod sa batas, kailangang magsagawa ng special election kapag nabakante ang posisyon ng isang kongresista dahil sa pagkamatay, pagbibitiw o pagtanggal sa puwesto.

Ayon kay Atty. Cortez, dapat isagawa ang special election hindi mas maaga sa 60 araw at hindi lalampas sa 90 araw mula nang mabakante ang posisyon.

Dahil Setyembre 21 nang pumanaw si Gato, kailangang maisagawa ang special election sa loob ng itinakdang 60 hanggang 90 araw, o hindi lalampas sa Disyembre 21.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Atty. Cortez na tanging ang congressional seat ang kailangang punan sa pamamagitan ng special election dahil walang vice congressman na maaaring awtomatikong humalili sa isang namatay na kinatawan.

Hindi rin umano maaaring awtomatikong maupo ang kandidatong nakakuha ng ikalawang pinakamataas na boto noong nakaraang halalan dahil kinakailangang ang mga botante mismo ang pumili ng bagong kinatawan sa pamamagitan ng panibagong halalan.

Iba naman umano ang proseso sa posisyon ng gobernador dahil may umiiral na rule on succession, habang ang ilang nababakanteng posisyon sa sanggunian ay maaaring punan sa pamamagitan ng appointment.

Sa ngayon, wala pa umanong eksaktong schedule para sa filing ng Certificate of Candidacy, campaign period at election period para sa special election. Ayon kay Atty. Cortez, hinihintay pa ang ilalabas na opisyal na calendar of activities ng COMELEC.

Samantala, target ng COMELEC na isagawa ang special election sa Batanes sa Disyembre 19, bagama’t kailangan pa itong pormal na aprubahan ng COMELEC en banc.

Si Gato, 66 taong-gulang, nagsilbing kinatawan ng Batanes at namuno rin sa House Committee on Health.

Samantala, pinaalalahanan ni Atty. Cortez ang mga interesadong kandidato na bantayan ang mga anunsiyo ng COMELEC kaugnay sa filing ng kanilang COC.

Para naman sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE, wala pa umanong pinal na postponement at hinihikayat ang mga aspirant na maghain ng kanilang COC sa kani-kanilang election officer habang hinihintay ang anumang opisyal na abiso ng COMELEC.