Magkakaibang pananaw at saloobin ngayon ang nangingibabaw sa publiko matapos ang pormal na pagpapaliban sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Daniel Acob ng Barangay Tagaran, inihayag nitong pabor sa kanila ang pinalawig na termino.
Aniya, kulang at bitin ang tatlong taon para sa isang opisyal upang ganap na maisakatuparan, maipatupad at maipagpatuloy ang mga makabuluhang proyekto at programa na kailangan ng kanilang barangay.
Ang karagdagang dalawang taon ay magsisilbing magandang oportunidad upang mas maayos na maipagpatuloy ang mga serbisyong pampubliko para sa kanilang mga nasasakupan.
Subalit sa panig naman ng mga residente na hati ang opinyon, may ilang sumasang-ayon sa desisyon ng COMELEC, ngunit marami rin ang nagpahayag ng panghihinayang, lalo na ang mga nagnanais maghain ng Certificate of Candidacy o COC upang tumakbo at maglingkod sa iba’t ibang posisyon sa barangay.
Sa kabila nito, ipinaabot naman ni Kagawad Acob sa publiko ang kanyang katiyakan na hindi magiging dahilan ang postponement para maging kampante ang kasalukuyang mga opisyal.
Sa halip, mas paiigtingin pa raw nila ang kanilang dedikasyon sa trabaho at sisikaping makapaglingkod nang mas maayos, mahusay at epektibo sa loob ng karagdagang dalawang taon sa kanilang termino.










